Patuloy pa ring tunutugunan ng Department of Education (DepEd) ang bumababang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas.
Sa briefing ng House Appropriations Committee hinggil sa 2020 budget ng DepEd, sinabi ni Sec. Leonor Briones na nire-review nila sa ngayon ang curriculum mula kindergarten hanggang senior high school.
Ito ay para ayusin aniya ang alignment ng curriculum ng mga mag-aaral sa content standards, performance standards, at competencies.
Ipagpapatuloy din ng DepEd ayon kay Briones, ang training programs para sa mga guro upang ay iangat ang kanilang kapasidad.
Ito ay dahil lumalabas na nagkaroon ng low proficiency level sa National Achievement Test sa nagdaang taon.
Samantala, nakikipag-ugnayan na ang DepEd sa Civil Service Commission (CSC) sa posibilidad na makapagtrabaho sa gobyerno ang mga K to 12 graduates.
Sa parehong briefing, sinabi ni Briones na ang pinag-aralan ng mga K to 12 graduates ay katumbas ng dalawang taong ginugugol sa kolehiyo.
Sa bisa ng Republic Act No. 10533 (Enhanced Basic Education Act of 2013) ay naitatag sa Pilipinas ang K to 12 program, na nagdadagdag ng dalawa pang taon sa 10-year basic education ng mga mag-aaral.
Inaasahan na sa dalawang taon na ito ay makakatulong sa paghubog sa mga kakayahan ng mga estudyante na kailangan para sa employment, entrepreneurship, skills development, at higher education.
Sinabi ni Briones na sa ngayon ay sinimulan na rin ng DepEd ang pag-research sa career paths ng mga K to 12 graduates matapos makOmpleto ang nasabing programa.
Sa kabilang dako, nanawagan ang DepEd sa Kamara na dagdagan ang pondong kanilang gugulungin sa susunod na taon.
Sa nabanggit na briefing, natukoy na ang orihinal na proposal ng ahensya ay P804 billion subalit ang inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ay P551 billion lamang.
Apektado rito ang proyekto ng DepEd sa pagpapatayo ng mga bagong paaralan sa ilalim ng kanilang School Building Program na tatanggap lamang ng P36 billion kung sakali dahil ito lamang ang inaprubahan ng DBM, komapara sa kanilang P259 billion budget proposal.
Sinabi ni Pascua na mula 2018 hanggang 2019 ay nagkaroon ng budget cut sa pagpapatayo ng mga bagong paaralan kaya umaasa sila na madagdagan ang alokasyon nito sa 2020.
Sa ilalim ng 2019 budget, nasa P31 billion lamang ang naaprubahan para sa School Building Program na isa sa mga rason kung bakit kakaunti lamang ang nadagdag na school buildings ngayong taon sa buong bansa.