Posibleng magsisilbing pangunahing naturalized player si Justin Brownlee sa mga susunod na taon, matapos ang magandang performance nito sa Asiad 2023.
Ayon kay Alfrancis Chua, ang team manager ng Gilas Pilipinas, hindi lamang isang magaling na manlalaro si Brownlee, bagkus, nagagawa niyang pagandahin ang performance ng kanyang mga kapwa manlalaro.
Hindi lamang siya isang manlalaro aniya, kungdi isang team player na siyang pangunahing kailangan ng Gilas Pilipinas.
Maalalang noong nakalipas na FIBA World Cup 2023, hindi nakasali si Brownlee sa national team dahil pinili si Jordan Clarkson bilang naturalized player.
Bagaman hindi pinalad na umusad sa ikalawang elimination sa FIBA 2023, nagawa ni Clarkson na maipanalo ang memorableng laban nito kontra sa China na naging daan upang makapasok ang Pilipinas sa Olympic qualifying tournament para sa Paris Olympics.
Sa panig ni Brownlee, nagawa niyang pangunahan ang Gilas Pilipinas upang makausad sa kabuuan ng Asian Games at maibulsa ang kauna-unahang gintong medalya ng Pilipinas sa loob ng 61 years.