Bumuhos ang suporta mula sa LGBTQIA+ community para sa Filipino comedian at actor na si McNeal Neri Briguela o mas kilala sa stage name nito na Awra Briguela na inaresto matapos masangkot sa rambulan sa labas ng isang bar sa Makati.
Kinondena rin ng grupo ang kalupitan ng mga pulis na umaresto at namposas kay Awra matapos na tumindig para sa kaibigan nito na hinarass at malinaw na halimbawa aniya ito ng transphobia.
Kayat sigaw ngayon ng grupo ang hustisiya para kay Awra at sa mga biktima ng sexual harassment at tigilan na ang pag-atake sa karapatan ng mga kababaihan at LGBTQI.
Dinipensahan rin si Awra ng kaniyang malalapit na kaibigang celebrity kabilang sina Riva Quenery, Zeinab Harake, content creators na sina Ayn Bernos at Mica Salamanca sa umano’y hindi patas na pagtrato ng mga awtoridad sa mga sangkot sa kaguluhan.
Una ng sinabi ng grupo ng umano’y complainant na si Mark Christian Ravana, na nakarambulan ng grupo ni Awra, na nakursunadahan daw siya ni Awra kayat nilapitan siya at pinilit na hubarin ang kaniyang short subalit nang tumanggi umano ito sinundan siya ng aktor at hinila kayat napunit ang kaniyang damit na pinag-ugatan umano ng away.
Subalit pinasinungalingan naman ng kaibigan ng aktor at content creator na si Zyla Nakajima na isa sa kasama ni Awra na nagtungo sa bar ang naturang alegasyon at sinabing ipinagtanggol lamang siya ng aktor.
Nananatili ngayon sa kustodiya ng Makati police station si Awra matapos na sinampahan ng reklamong physical injuries, alarm and scandal, disobedience sa mga awtoridad at direct assault.
Sasailalim naman ang 19 anyos na Kapamilya star sa inquest proceedings sa city prosecutor office ngayong araw.
Ayon sa public information officer ng Southern Police District (SPD), maaaring magpiyansa sa kasong physical injury ang aktor.
Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na statement ang kampo ng aktor kaugnay sa insidente.