-- Advertisements --
KIX 3245

Pormal nang nanumpa bilang associate justice ng Supreme Court (SC) si dating Court of Appeals (CA) Justice Rodil Zalameda.

Nanumpa ang bagitong mahistrado sa harap ni SC Chief Justice Lucas Bersamin.

Kahapon ay nanumpa na rin kay Pangulong Rodrigo Duterte si Zalameda sa Malacañang.

Pinalitan ni Zalameda si Associate Justice Mariano del Castillo na nagretiro noong July 29 sa edad na 70 o ang mandatory retirement.

Si Zalameda ang nagkumpleto sa pang-15 bakanteng pwesto sa Korte Suprema.

Dahil dito, inaasahan ang muling reorganisasyon sa mga dibisyon ng kataas-taasang hukuman.

Si Zalameda ay ipinanganak noong Agosto 2, 1963 at magreretiro sa taong 2033.

Na-appoint siyang CA associate justice noong Setyembre 2008.

Bago naging miyembro ng appellate court ay naging city prosecutor muna ito sa Mandaluyong City.

Tinapos niya ang kanyang undergraduate degree sa University of the East at kumuha ng law degree sa Ateneo Law School.

Natapos ni Zalameda ang kanyang law degree noong 1987 at pumasa sa bar exam noong 1988.

Bahagi ito ng Fraternal Order of Utopia sa Ateneo.

Alumni din dito sina dating SC chief justice Renato Corona at Associate Justices Andres Reyes Jr maging si Alexander Gesmundo.