-- Advertisements --

Naglabas ng subpoena ang House Committee on Justice laban kay dating Senador Antonio Trillanes IV upang tumestigo sa susunod na pagdinig ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte sa Abril 22, alas-10:00 ng umaga.

Ang mosyon ay inihain ni Mamamayang Liberal Partylist Rep. Leila de Lima, na humiling ding magsumite si Trillanes ng mga dokumento kaugnay ng umano’y ill-gotten wealth at hindi pagdedeklara ng ilang ari-arian sa State of Assets, Liabilities and Net worth (SALN) ng Bise Presidente.

Ayon kay De Lima, mahalaga ang testimonya ni Trillanes dahil nabanggit ito sa ikatlong impeachment complaint at dati na rin umanong tumestigo sa mga pagdinig ng House Quad Committee kaugnay ng drug war.

Inaprubahan naman ng komite ang naturang mosyon.

Samantala, naglabas din ng subpoena ang komite laban sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) upang isumite ang mga rekord ng bank transactions nina VP Sara at kanyang asawa na si Manases Carpio mula 2006 hanggang 2025.

Ang mosyon ay inihain ni Akbayan Party-list Rep. Rep. Perci Cendaña, kabilang ang pagsusumite ng mga ulat sa covered at suspicious transactions, at anumang kaugnay na imbestigasyon.