Nakahanda raw ang Justice Department ng Estados Unidos na magsampa ng kaso laban kay outgoing President Donald Trump dahil sa posible nitong papel sa nangyaring kaguluhan sa Capitol Hill.
Ayon kay Atty. Michael Sherwin, iniimbestigahan na nila ang lahat ng indibidwal na sangkot sa nasabing riot.
Sa oras aniya na mapatunayang dawit ang Republican president sa kaguluhan ay posible itong maharap sa kaso.
Magugunita na ilang beses sinabi ni Trump sa publiko na kailanman ay hindi magagapi ang Estados Unidos kung kaya’t hinihinala na ito ang nag-udyok sa kaniyang mga taga-suporta na lusubin ang Capitol Hill.
Nagtipon-tipon ang mga raliyista sa Captiol Hill habang isinasagawa ng U.S. Congress ang sertipikasyon ng Electoral College victory ni President-Elect Joe Biden.
Subalit sinabi rin ng abogado na hindi maaaring sampahan ng kasong krimen si Trump dahil siya pa ang pangulo ng Amerika ngunit tatagal lamang ang naturang proteksyon na ito sa loob ng 13 araw.
Una nang lumabas ang mga ulat na nakipag-usap na raw si Trump sa kaniyang mga opisyal dahil nais nito na bigyan ng pardon ang kaniyang sarili sa nalalabing oras nito bilang presidente ng Amerika.
Ang hakbang na ito ay magsisilbing kakaiba at untested na paggamit sa presidential power sa buong kasaysayan ng US.