Nasa “hot seat” muli si Julia Barretto kasunod ng kanyang kumpirmasyon na “taken” o mayroon na siyang karelasyon.

Nariyan ang pag-usisa ng fans ng young actress kung sunod na ba nitong aaminin ay “taken” na siya ng dati pa nali-link sa kanya na si Gerald Anderson.

Sa pamamagitan kasi ng TikTok challenge, game na sumasagot si Julia sa dalawang choice kung saan kanyang pinili ang pagiging taken, gayundin ang urban slang para sa salitang foreigner na “AFAM,” at “OLDER” guy daw ito.

Dahil dito, “pasok sa banga” kung ilarawan ng mga netizen si Anderson na isang Filipino-American at mas matanda kay Julia sa edad na 31.

Nabatid na hanggang sa ngayon ay tikom ang bibig ni Gerald at ng 23-year-old actress sa usap-usapan na magkasama silang nag-hiking sa Mt. Kulis bago mag-Pasko, at magkasamang sinalubong sa Baguio ang bagong taon.

Bea Gerald Julia
Bea Gerald Julia

Samantala, ang ex-girlfriend naman ni Anderson na si Bea Alonzo ay tila “smooth sailing” din ang dating status kay Dominic Roque.

Noong nakaraang taon nang sila ay maugnay sa isa’t isa matapos namataan sa restaurant sa Japan, at kamakailan lang ay sa isang Japanese restaurant naman sa Taguig City nag-date.

Kapwa walang post ang rumored couple na magkasama sila ngunit napuna ng kani-kanilang mga tagasuporta na nasa iisang lugar lang ang mga ito.

Sa solo picture ng 30-year-old actor, nakangiti ito habang may hawak na chopsticks. Habang si Alonzo naman ay may hawak na wine glass at katabing chopsticks sa mesa.

Dominic and Bea

Sa panig ng 33-year-old actress, wala itong binanggit na pangalan bagama’t inamin nito na nakikipag-date na nga uli siya matapos mapagtanto sa gitna ng pandemya na hindi dapat magmukmok sa buhay.

Minsan na ring nag-post si Roque ng larawan nila ni Bea kung saan kakabit ng “happy birthday” greeting ni Dominic ay ang “emoji” kiss.