-- Advertisements --

Pinagmumulta ngayon ng NBA si Denver star Nikola Jokic at Minnesota forward Julius Randle matapos magkainitan sa dulo ng Game 4 ng kanilang playoff series.

Si Jokic ay pinagmulta ng $50,000 habang si Randle ay pinatawan ng $35,000 matapos ang sagupaan na naganap sa mga huling segundo ng laro sa pagitan ng Denver Nuggets at Minnesota Timberwolves.

Ayon sa NBA, nag-ugat ang tensyon matapos mag-drive at mag-layup si Minnesota guard Jaden McDaniels sa natitirang 2.1 sec., kahit malaki na ang lamang ng Timberwolves. Tinuring itong “unsportsmanlike” ng Denver, dahilan upang mag-react ang mga manlalaro.

Ayon sa NBA si Jokic ang unang nanulak kay McDaniels, habang si Randle naman ay biglang sumali sa kaguluhan at itinulak si Nuggets guard-forward Bruce Brown.

Parehong pinatawan ng technical foul sina Jokic at Randle at parehong na-eject mula sa laro.

Sa kabila nito nangunguna ang Minnesota 3-1 laban sa Denver sa kanilang postseason matchup na ikatlong beses sa loob ng apat na taon.

Samantala, malaki rin ang problema ng Timberwolves matapos ma-injure ang dalawang pangunahing manlalaro nito.