-- Advertisements --

Walang nakikitang hudyat ng putukan o giyera ang ikinakasang joint military exercises ng Pilipinas, Estados Unidos, Australia at Japan sa West Philippine Sea (WPS) matapos na magsagawa rin ng military drills sa parehong araw ang China sa pinag-aagawang teritoryo. 

ito ang pananaw ni Senate Public Order and Dangerous Drugs Chairperson Senador Ronald “Bato” dela Rosa. 

Nitong Linggo, nagsagawa ang China ng naval at air patrol sa pinagtatalunang karagatan kung saan sa parehong araw din ay nagsagawa ng joint military drills ang Pilipinas, US, Japan at Australia. 

Ayon kay dela Rosa, hindi naman ang bansa at mga kaalyado nito ang nagsisimula ng gulo kung hindi ang China. 

Giit ng Senador, wala namang ikinakasa sa military drill ng Pilipinas at mga kaalyansa ng bansa ang pagbobomba ng tubig, pagtutok ng laser, at, dangerous manuevers, laban sa barko ng China. 

Ito aniya ay purong military exercises lamang at karapatan naman ng bansa na magsagawa ng drill sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

Una nang nagpahayag ng suporta si Senate President Juan Miguel Zubiri  sa ikinakasang Joint Military Drill sa West Philippine Sea na sinamahan ng mga kaalyadong bansa ng Pilipinas na Australia, Estados Unidos at Japan.

Ayon kay Zubiri, pagpapatibay ito sa naisin ng mga bansang panatilihin ang freedom of navigation sa WPS.

Muli nitong binigyang-diin na hindi siya pabor sa pakikipag-giyera sa anumang bansa ngunit sadyang tuloy ang pagpapahirap sa ating mga mangingisda, Philippine Navy, at Philippine Coast Guard sa WPS.