Naniniwala ang Joint Foreign Chambers of Commerce in the Philippines na ang pagtatanggal ng economic restrictions ng 1987 Constitution ay magpapadali sa pagpasok ng mas maraming foreign direct investment sa Pilipinas, na napag-iiwanan na ng mga kasama nito sa Southeast Asia.
Ayon pa sa sulat, ang pagbibigay ng kapangyarihan sa lehislatura at ehekutibo na magtakda ng limitasyon ng mga dayuhang mamumuhunan sa halip na ilagay ito sa Konstitusyon ay magpapadali sa pagpapatupad ng pagbabago kung kakailanganin para maging angkop sa sitwasyong kinakaharap ng bansa at makasabay sa pangangailangan ng pandaigdigang ekonomiya.
Ayon sa ASEAN Investment Report 2023, lumalabas na umakyat ng 5.5 porsyento ang pumasok na FDI sa rehiyon noong 2022 o USD224 billion na 17 porsyento ng global FDI. Ang stock ng FDI sa ASEAN ay umabot sa USD3.6 trilyon noong 2022, na doble ng halaga na naitala noong 2015.
Pero hindi umano nakinabang ang Pilipinas sa pagtaas ng FDI sa rehiyon bagkus at bumaba pa ang halaga nito. Noong 2022 ang FDI sa Pilipinas ay naitala sa USD9.2 bilyon mas mababa kumpara sa USD12 bilyon noong 2021. Naiwan umano ng limang bansa sa pangunguna ng Singapore ang Pilipinas.
Ang JFC ay kinabibilangan ng kalipunan ng mga negosyante mula sa American, Australian-New Zealand, Canadian, European, Japanese at Korean kasama rin ang Philippine Association of Multinational Companies Regional Headquarters, na nagsasabing ang panukalang paglalagay ng “unless otherwise provided by law” sa pag-amyenda ng restrictive economic provisions ng 1987 Constitution ay makakatulong, bagama’t hindi makapagbibigay ng malakas na senyales sa mga dayuhang mamumuhunan.
Mas mainam na umano ito kaysa ang limitasyon ay nakasaad sa Konstitusyon at hindi basta-basta mababago.










