CEBU CITY – Iniimbestigahan na ng PNP ang nangyaring pagananakaw sa loob ng isang malaking tindahan sa Barangay Bakilid, Mandaue sa Cebu.

Ito ay matapos na hinoldap ng pinaniwalaang mga myembro ng “martilyo gang” ang dalawang jewelry stores, isang pawnshop, at isang money changer sa loob ng J Center Mall kagabi.

Ayon sa hepe ng Mandaue City Police Station 2 na si Police Captain Marvin Fegarido, pumasok sa entrance area ng mall ang hindi pa nakilalang mga magnanakaw dala ang kanilang high-powered firearms.

Nagawang madisarmahan ng mga naka-bonnet na tulisan ang security guard at sumugod agad ang mga ito sa nasabing mga establisimento.

Dagdag pa ni Fegarido, tumakas kaagad ang mga hindi pa nakilalang mga magnanakaw dala ang kanilang nakuhang alahas at pera.

Samantala, sugatan ang isang security guard matapos umano itong hampasin ng mga holdaper.

Hinahanap pa ng otoridad ang mga responsable sa pangho-holdap sa naturang mga establisiyemento.