Nakita na ng isang Japanese remotely operated vehicle (ROV) ang lumubog na oil tanker na nagdulot ng matinding oil spill sa Oriental Mindoro, ayon kay Governor Humerlito Dolor.
Kung matatandaan, humingi ng tulong ang Pilipinas mula sa Japan at US dahil walang kakayahan ang mga lokal na awtoridad na maabot ang naturang oil tanker sa ilalim ng karagatan.
Ito ay pinaniniwalaang nasa 400 metro sa ilalim ng karagatan sa Oriental Mindoro.
Ang MT Princess Empress ay may dalang 900,000 litro ng industrial fuel oil nang lumubog ito sa maalon na karagatan noong Peb. 28.
Nagpadala ang Japan ng mga tauhan ng coast guard sa Maynila upang suportahan ang imbestigasyon sa naturang oil spill.
Dagdag dito, dumating ang mga Japanese expert para tumulong sa pagpigil ng pagkalat ng oil spill sa iba pang lugar.
Kaugnay niyan, inihayag ng Department of Environment and Natural Resources na mahigit sa 2,500 ektarya ng mga coral reef, mangroves at seaweed ang naapektuhan ng tumagas na langis.
Una na rito, patuloyn pa rin ang mga isinasagawang imbestigasyon ng mga kinauukulan sa naturang insidente.