Dumating ang mga miyembro ng Japanese Coast Guard sa Pola, Oriental Mindoro upang tumulong sa pagcontain at paglilinis ng oil spill halos 2 linggo matapos lumubog ang oil tanker.
Ayon kay Nihei Daisuke ng Japanese Embassy Minister for Economic Affairs, ang dalawang team ng 11 eksperto ay nakikipag-ugnayan na sa Philippine Coast Guard para sa isang site visit at assessment sa mga barangay na apektado ng oil spill.
Aniya, nakikiisa na sila sa mga awtoridad ng Pilipinas, lalo na sa Philippine Coast Guard para matugunan ang naturang oil spill incident.
Dumating na rin sa Pola si Presidential Adviser on Legislative Affairs Mark Llandor Mendoza na may dalang mga relief goods at food packs mula sa PCG Auxiliary at Department of Social Welfare and Development (DSWD) para ipamahagi sa mga naapektuhan ng tumagas na langis.
Ayon naman kay Mendoza, una nang nagpadala ang PCG Auxillary ng 2,700 food packs sa pakikipag-ugnayan nila kay DSWD Secretary Rex Gatchalian.
Dagdag pa niya, anumang oras ay darating na rin daw ang 550 sacks ng coir pit at 550 coco logs para masuportahan ang paglilinis ng mga awtoridad sa oil spill.
Kung matatandaan, humingi ng tulong ang Pilipinas sa Japan at United States para makatulong sa pagpigil ng pagkalat ng naturang langis.
Ang MT Princess Empress kasi ay may dalang 800,000 litro industrial fuel nang lumubog ito sa maalon na karagatan sa gitnang isla ng Oriental Mindoro.
Ang sasakyang pandagat ay pinaniniwalaang nasa 400 metro sa ilalim ng karagatan at sinabi ng mga awtoridad ng Pilipinas na walang kakayahan ang bansa na maabot ang naturang barko at ang mga natitira pang langis.