Nagpahayag ng pagkabahala ang Japan sa naging aksiyon ng China sa disputed waters o pinag-tatalunang karagatan kabilang na sa may West Philippine Sea.
Aniya, nalalagay sa peligro dahil sa mga aktibidad ng China sa nasabing karagatan ang kapayapaan at istabilidad sa Indo-Pacific region.
Ginawa ng Japanese Embassy sa Maynila ang naturang pahayag ngayong araw kasunod ng napaulat na panibagong agresibong aksiyon ng Chinese Coast Guard (CCG) kung saan hinarang nito ang barko ng Philippine Coast Guard (PCG).
Base kasi sa ulat ng PCG, sa kasagsagan ng kanilang isinasagawang operasyon patuloy aniya silang sinundan ng Chinese Coast Guard at hinarang ng malaking barko ng CCG na may layo lamang na humigit-kumulang 100 yarda.
Nagprotesta din ang Japan sa panghihimasok ng mga barko ng China sa kanilang mga karagatan.
Aniya, ang paulit-ulit na panghihimasok ng China sa katubigan ng Japan sa may Senkaku Islands sa East China Sea at ang mapanganib na hakbang ng China sa pinagtatalunang karagatan na paglabag sa 2016 arbitration award ay lubhang nakakabahala para sa kapayapaan at istabilidad sa rehiyon.
Makailanga beses na ring naghain ng diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs (DFA) laban sa mapanganib na mga aktibidad ng China sa disputed waters at panghihimasok nito sa may West Philippine Sea.
Batay sa datos noong Hulyo 5, sinabi ng DFA na nakapaghain ng kabuuang 427 diplomatic protest ang gobyerno ng Pilipinas sa nakalipas na tatlong taon kung saan nasa 30 dito ang inihain ngayong lamang 2023.