Naniniwala ang isang mambabatas na ang Japan International Cooperation Agency o JICA ang pwedeng alternatibong pagkunan ng pondo para sa malawak na construction ng Mindanao Railways Project o MRP.
Ito ang inihayag ni Congressman Johnny Pimentel matapos mag-back out ang gobyerno mula sa loan negotiations sa China para sa MRP.
Ayon kay Pimentel, pwedeng matalakay ito sa pagbisita sa bansa ni Japanese Prime Minister FUMIO KISHIDA na nakatakda din dumalo ngayon sa joint session ng dalawang kapulungan ng Kongreso dito sa Batasan.
Sabi ni Pimentel, katuwang ng DOTr ang JICA sa pagbubuo ng 30-railways masterplan ng Metro Manila, Central Luzon at CALABARZON.
Paliwanag ni Pimentel, nagbibigay ang JICA ng official development assistance na mababa ang interes at baka pwedeng hilingin ng gobyerno na magbigay muli ng concessional loan para sa Mindanao Railways Project.
Kung matutuloy ang proyekto, lilikha ito ng libo-libong trabaho na may kinalaman sa construction para sa ating mga kababayan.
Ang phase 1 ng MRP ay tinatayang nagkakahalaga ng P83 billion pesos.