-- Advertisements --

Inaakusahan ngayon ang aktres at content creator na si Ivana Alawi bilang karelasyon umano ni Bacolod City Mayor Albee Benitez sa isang reklamo ng Violence Against Women and Children (VAWC) na isinampa ni Dominique “Nikki” Lopez-Benitez, hiwalay na asawa ni Benitez, sa Makati.

Ayon sa kumakalat na dokumento sa social media, sinasabing may relasyon umano si Benitez at si Ivana, at mayroon pa raw dalawa pang anak sa labas ang naturang alkalde.

Mariing itinanggi naman ni Benitez ang mga paratang sa pamamagitan ng kanyang abogado na si Atty. Peter Sanchez, at tinawag itong “walang basehan” at itinuturing paninira para sa alkalde matapos siyang magsampa ng annulment noong 2024.

Bagaman hindi tuwirang binanggit si Alawi bilang third party sinabi naman ni Atty. Sanchez ”unnecessarily dragging” para lamang ilihis ang atensyon ng publiko.

Binatikos din ni Atty. Sanchez ang pagsasapubliko ng reklamo, na aniya’y paglabag sa Section 44 ng VAWC law na nagtatakda ng pagiging confidential ng mga ganitong kaso.

Sa kabila ng isyu, sinabi ng kampo ni Benitez na siya ay makikipagtulungan sa legal na proseso, at kumpiyansa silang mapapabulaanan ang mga akusasyon sa pamamagitan ng ebidensiya gaya ng mga dokumento at testimonya.

Una nang naiuugnay sina Alawi at Benitez noong Pebrero 2024 matapos masabing namataan silang magkasama sa Baguio at Japan. Nilinaw naman noon ni Benitez na “propesyonal” lamang ang ugnayan nila ni Alawi, at matagal na umano silang hindi nagsasama ng kanyang asawa.

Nabatid na si Benitez ay hindi lamang kilalang politiko kundi isang negosyante rin, na may mga negosyo sa telebisyon, pelikula, at dating e-sabong.

Samantala pinabulaanan naman ni Ivana sa isang post sa social media ang mga akusasyon kung saan sinabi nito na ”HINDI PO AKO ANG NASASABING girlfriend ni Mayor Albee Benitez.”

Dagdag pa nito na nagkita lang umano sila ni Benitez dahil sa isang proyekto na ginawa nito sa Bacolod.

‘I met him when I had work in Bacolod. He was very accommodating and friendly. At hindi lang sya ang politikong nakilala ko at naging kaibigan,’ paglalahad ni Ivana sa kanyang post.