KORONADAL CITY – Mistulang ghost town ngayon ang ilang bahagi ng Isulan, Sultan Kudarat matapos ang panibagong insidente ng pagpapasabog sa bayan nitong Sabado.
Nangyari ang karahasan sa merkado publiko ng nasabing bayan sa Brgy. Kalawag III, Isulan, Sultan Kudarat.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal sinabi ng isang tinder sa public market na si Juliet Cauba na takot ang kanilang nararamdaman dahil sa banta na posible umanong bumalik ang mga nasa likod ng pagpapasabog.
Isa si Cauba sa mga survivor ng insidente na nangyari sa public market ng bayan.
Sa ulat ni Bombo Correspondent Larry Geronio, sinabi nito na tiyak maapektuhan ang mga negosyo sa naturang establisyemento dahil sa pangamba ng nangyaring insidente.
Masama naman ang loob ng ilang residente matapos aminin ng pulisya na may pagkukulang sa kanilang hanay kaya nakalusot ang mga suspek.
Ito’y sa kabila ng pagsasailalim sa martial law ng buong Mindanao.