-- Advertisements --

Idinetalye ng Israeli whistleblower ang kahabag-habag na kalagayan ng mga Palestinong nakakulong na nakakaranas ng pang-aabuso sa mga detention center ng Israel sa Negev desert.

Sa kuhang 2 larawan ng isang Israeli na nagtratrabaho sa naturang prison facility sa naturang lugar, makikita ang ilang kalalakihang nakasuot ng gray tracksuits na nakaupo sa nakapanipis na kutson na nababakuran ng barbed wire. Lahat ng mga ito ay nakapiring ang mga mata at tinitiis ang mabahong amoy ng kanilang kinalalagyan.

Pinagbawalan din umano ang mga ito na kausapin ang isa’t isa at pinagbabawalan ding gumalaw at dapat na umupo ng matuwid.

Inutos din aniya sa mga guard sa naturang piitan na pumili sa mga preso ng mga sumusuway at saka paparusahan ang mga ito.

Mayroon ding mga preso na pinutulan ng paa dahil sa natamong injuries mula sa pagposas sa mga ito kung saan mga underqualified medics ang gumagawa nito na nag-iiwan ng amoy ng mga napabayaang sugat at nabulok nalang.

Samantala, ayon naman sa 3 Israeli whistleblower na nagtratrabaho sa Sde Teiman desert camp na nagbabantay sa mga nakapiit na Palestino noong sinalakay ng Israel ang Gaza, dumanas umano ng malalang physical restraint ang 70 Palestinian detainees mula Gaza at ang field hospital kung nasaan ang mga sugatang bilanggo ay itinali sa kanilang mga kama, nakasuot ng diapers at pinapakain sa pamamamagitan ng straw.

Pagsasalaysay ng isa pang whistleblower na ginagawa umano ng Israeli forces ang pamamalo sa mga ito hindi para kumalap ng impormasyon kaugnay sa Hamas kundi para maghiganti sa ginawa ng mga militanteng Palestinian group noong October 7 at parusa sa kanilang naging asal sa detention camp.

Sa panig naman ng Israeli Defense Forces, sinabi nito na bukas ang Military Police Criminal Investigation’s Division kung mayroon mang mga suspetsiya ng misconduct para i-justify ang naturang mga gawain.

Tinitiyak din umano ng kanilang pwersa ang maayos na pagtrato sa ma bilanggo na nasa kanilang kustodiya at anumang alegasyon ng misconduct ng mga sundalo ng IDF ay kanilang sinisiyasat at tinutugunan ng naaayon.