-- Advertisements --

Itutuloy ng Philippine Army ang nakatakdang joint military exercises kasama ang mga kaalyadong bansa sa kabila ng mga hamon sa suplay ng langis, ayon sa opisyal nitong Miyerkules, Abril 1, 2026.

Tinatayang nasa 8,000 sundalo mula sa Pilipinas, Estados Unidos, Japan, Australia, at New Zealand ang lalahok sa “Salaknib” exercises na gaganapin sa Northern at Central Luzon simula Abril 6.

Ayon kay Army spokesperson Col. Louie Dema-ala, nakaplano na ang lahat ng aktibidad at ‘walang ipatutupad na budget cuts sa kabila ng mga isyu sa suplay ng langis.

Ang Salaknib exercises ay tututok sa maritime at territorial defense, humanitarian assistance at disaster response, gayundin sa amphibious at combined arms operations.

Ngayong taon, unang beses na makikilahok ang Japan at New Zealand sa naturang military drills.

Dagdag pa ni Dema-ala, magkakaroon ng live-fire exercises, bagama’t hindi pa tiyak kung anon kagamitan ang gagamitin dahil ito ay ibabatay aniya sa magiging scenario ng pagsasanay.

Layunin ng aktibidad na mapalakas ang kakayahan ng mga sundalo sa pamamagitan ng pagsasanay kasama ang mga international partners at paggamit ng iba’t ibang military capabilities.