
Nakatakdang simulan ng Israel ang apat na oras kada araw na pagtigil ng military operations sa northern Gaza ayon sa White House.
Ito ay para mabigyang daan ang paglikas ng mga sibilyan palabas ng Gaza.
Tinawag ni Israeli Defense Minister Yoav Gallant ang apat na oras na pagtigil ng military operations ng kanilang tropa bilang tactical localized pauses na magiging epektibo sa partikular na mga lugar.
Aniya, mabibigyan ng abiso sa loob ng ilang oras ang mga karatig na lugar para sa military pause para makalikas ang mga residente sa norte at makabiyahe patungong sa katimugang bahagi.
Subalit, nilinaw ng Israeli official na ang naturang military pause ay hindi maituturing na ceasefire o tigil putukan at hindi ito makakaapekto sa labanan sa Gaza.
Iginiit din ng opisyal na hindi magkakaroon ng ceasefire hanggat hindi pinapalaya ang mga bihag ng militanteng Hamas.
Nitong Huwebes, nasa 80,000 katao na ang lumikas palabas ng northern Gaza sa pamamagitan ng evacuation corridor ayon sa isang Israeli official.
Sa datos mula sa Palestinian Ministry of Health sa Ramallah, umaabot na sa mahigit 10,800 ang namatay sa Gaza simula noong Oktubre 7 kabilang ang mahigit 4,400 na mga inosenteng bata.










