Nagbanta ang Israel na handa nitong ibalik ang Iran sa “dark ages,” habang tumitindi ang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Ito ang naging pahayag ni Israeli Defense Minister Israel Katz, kung saan nakahanda umano ang kanilang militar na muling simulan ang opensiba laban sa Iran.
Sinabi rin ni Katz na “The targets are marked” at hinihintay na lamang nila ang pahintulot ng U.S. upang ipagpatuloy ang operasyon.
Dagdag pa ng Israeli official, layunin nilang tuluyang pabagsakin ang pamumuno ng dinastiya ni Khamenei.
Samantala, inaasahang magpupulong si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu kasama ang mga matataas na opisyal ng seguridad upang talakayin ang sitwasyon sa Israel at Lebanon.
Patuloy ring lumalala ang sigalot sa pagitan ng Estados Unidos at Iran. Kabilang sa mga naganap ang pag-agaw ng US sa mga barkong umano’y may kargang langis mula sa Iran, kasabay ng pagsasara muli ng Iran ang Strait of Hormuz
Sa kabila ng mga naunang pag-atake ng Israel na ikinasawi ng ilang matataas na opisyal ng Iran, nananatiling matatag ang pamahalaan ng bansa. Gayunpaman, nagbabala si Katz na ang susunod na pag-atake ay magiging mas mabagsik at magdudulot ng matinding pinsala.
















