-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Handang handa na ang Municipal Disaster Risk Reduction Management Council (MDRRMC) Diffun at Bombo Radyo Cauayan sa isasagawang mass blood donation activity o Dugong Bombo katuwang ang Philippine Red Cross na gaganapin sa Diffun evacuation center mula 8:00am hanggang 3:00pm bukas araw ng Martes, June 21, 2022.

Sa naging panayam ng Bombo radyo Cauayan Kay MDRRM Officer Hansel Guillermo ng Diffun Quirino, sinabi niya na una nang nagpalabas ng Executive Order ang Punong Bayan ng Diffun sa lahat ng mga barangay kapitan para makatuwang sa paghikayat ng mga blood donors para sa Dugong Bombo.

Inilathala rin nila sa official facebook page ng Rescue 702 pamahalaang lokal ng Diffun ang lahat ng detalye para sa gaganaping blood letting activity.

Nagpadala na rin sila ng mensahe sa lahat ng mga dating blood donors sa mga nakalipas na Dugong Bombo upang makiisa sa kauna-unahang blood letting activity ng MDDRMO at Bombo Radyo Cauayan ngayong taon.

Puntirya makalikom ng 120 bags ng dugo sa isasagawang Dugong Bombo.

Dahil malawak ang listeners ng Bombo Radyo Cauayan ay nakita nila ang maraming nagkaka-interes na makapag-donate ng dugo pangunahin na ang mga blood donors na nagmumula pa sa ibat ibang bayan at probinsiya.

Bukas ang blood letting activity para sa lahat ng mga nagnanais na magdonate ng dugo basta makakapasa sa initial screening..

Papayagan rin ang mga nakatanggap ng bakuna kontra COVID-19 tatlumpung araw pagkatapos mabakunahan.