Inanunsiyo ng opisina ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu sa War cabinet ang plano para ilikas ang mga sibilyan mula sa Gaza strip.
Ginawa ang naturang anunsiyo kasunod ng babala ng Israel na full-scale invasion sa southern city ng Rafah sa Gaza na kailangan umano para sa kanilang ganap na tagumpay.
Ang Rafah ay ang lugar na hindi pa nagagalaw ng ground troops ng Israel kung saan karamihan sa mahigit 1.4 million Palestino na nasa lugar ay na-displace dahil sa giyera.
Hindi naman nabanggit sa naturang plano ng Israeli army kung saan at paano ililikas ang mga sibilyan.
Ang naturang anunsiyo ay ginawa matapos na magkita sa Doha ang mga expert mula Egypt, Qatar at US para magpulong na dinaluhan din ng mga kinatawan ng Israel at Hamas para magkasundo sa panibagong ceasefire bago ang Ramadan.
Ayon sa kaalyado ng Israel na US, ang nagpapatuloy na mediation efforts ay nagbunga ng understanding tungo sa ceasefire at pagpapalaya sa mga nalalabing bihag habang base naman sa isang source mula sa panig ng Hamas, iginigiit umano ng grupo ang pagatras ng Israeli forces.