Inihain sa Senado ang isang resolution para imbestigahan ang serye ng political killings.
Sa Senate Resolution No. 518 na inihain ni Senator Risa Hontiveros na dapat na magsagawa ang Senado ng imbestigasyon hindi lamang para sa hustisya para sa mga biktima kundi para matukoy ang mga puno’t dulo ng pagpatay partikular na ang kabiguan at kawalan ng aksiyon ng ating institusyon kabilang ang law enforcement agencies para matugunan ang political at election-related violence.
Sinabi ng Senadora na ang pagpatay ay nagiging lubhang nakakabahala kung saan ang mga salarin sa pinakabagong krimen na pamamaril-patay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo ay nakasuot ng kahalintulad ng uniporme ng armed services.
Inihayag din ng Senadora na huwag gawing normal ang patayan kung saan sa nakalipas na taon nangyayari ang pamamaslang bilang paraan para patahimikin at manipulain ang mga biktima kayat marapat lamang aniya na manindigan ang pamahalaan bilang institusyon na kondenahin ang naturang mga pagpatay at gumawa ng konkretong hakbang para waksan ang karumal dumal na paggawa ng mga krimen.
Kung matatandaan, ngayong taon lamang nasa dalawang incumbent local executives na ang nasawi kabilang dito si Vice Mayor Rommel Alameda ng Aparri, Cagayan kasama ang 5 iba pa matapos ang nangyaring ambush sa Bagabag, Nueva Vizcaya noong Pebrero.
Habang sugatan naman si Mayor Ohto Montawal ng Montawal, Maguindanao del Sur province matapos ang ambush sa Roxas Boulevard sa Pasay city. habang nagtamo din ng tama ng bala si Governor Mamintal Adiong Jr subalit sa kasamaang palad ay nasawi ang 4 sa kaniyang police security sa nangyaring ambush sa bayan ng Maguing, Lanao del Sur noong Pebrero 17.