-- Advertisements --

Inalmahan ni Cagayan de Oro Cong. Rufus Rodriguez ang inisyung travel ban ng gobyerno ng Canada sa kaniyang home region na Mindanao at tinawag na unfair.

Sa isang statement na inilabas ng kongresista ngayong araw, hinimok nito ang concerned security at foreign affairs officials ng PH na makipagkita sa mga kinatawan ng gobyerno ng Canada para ipaliwanag ang sitwasyon sa katimugang bahagi ng bansa.

Matatandaan na inisyu ng Canada ang naturang travel advisory dahil sa insidente ng pambobomba sa Mindanao State University noong Disyembre 3 na kumitil sa 4 na katao.

Sa advisory ng Canada, inabisuhan din nito ang kanilang mamamayan na iwasang bumiyahe sa Northern Mindanao, Zamboanga Peninsula, Soccsksargen, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), at non-essential visits sa Caraga at Davao Region.

Ngunit iginiit ng mambabatas na isang isolated incident ang nangyaring pambobomba sa MSU at naaresto na ng mga awtoridad ang mga suspek.

Kaugnay nito, umapela ang mambabatas sa Canada partikular na kay Ambassador David Hartman na irekonsidera ang kanilang inisyung travel advisory at i-reassess ang sitwasyon sa usaping pangkapayapaan at seguridad sa Mindanao.

Binigyang diin din ni Cong. Rodriguez na ang isla ay mapayapa sa pangkalahatan at maraming lugar ang economically progressive o progresibo sa ekonomiya.