Binigyang diin ng isang mambabatas na hindi magbebenepisyo sa Mindanao ang paghihiwalay dito sa nalalabing parte ng bansa.
Ayon kay Cagayan de Oro 2nd District Rep. Rufus Rodriguez, maaaring makapagtaboy sa mga investor ang naturang plano kahit na maganda na ang progreso ng ekonomiya sa karamihan sa mga probinsiya nito.
Saad pa ng kongresista na ang balwarte ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na Davao region ay maunlad na ang ekonomiya at mapayapa kabilang ang BARMM area.
Subalit ipinunto ni Rodriguez na kailangan pa rin ng Mindanao ng mas malaking pondo mula sa kasalukuyang administrasyon.
Dapat din aniya na magtiwala ang Mindanaoans at bigyan ng pagkakataon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na suportahan at paunlarin ang Mindanao dahil isang taon at 7 buwan pa lamang ito sa kaniyang 6 na termino.
Hinimok din ng mambabatas si dating Pang. duterte at dating House speaker pantaleon alvarez na itigil ang anumang pag-uusap kaugnay sa paghihiwalay sa Mindanao mula sa Luzon at Visayas.