NAGA CITY- Isinailalim sa 48 hours lockdown ang Barangay San Rafael, Ragay, Camarines Sur matapos mamatay ang isang residente nito sa Bicol Medical Center (BMC).
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Kapitan Joseler Abarquez ng naturang barangay, napag-alaman na isang 25-anyos na babae mula sa lungsod ng Pasig ang naturang pasyente at dumating sa lugar noong Marso 13 kung saan agad itong sumailalim sa 14-day Quarantine.
Natapos ito sa quarantine noong Marso 27 kung saan wala naman aniyang nakitang sintomas ng COVID-19 dito.
Makaraan ang isang buwan ay nakaramdam ito ng sintomas at agad namang dinala sa BMC noong Abril 23 ngunit Abril 25 ng ito ay mamatay.
Sa ngayon, hinihintay na lamang ang laboratory result ng naturang pasyente na inaasahang lalabas ngayong hapon o bukas.