-- Advertisements --

Patay ang isang lalaki matapos na pagsasaksakin ng umano’y kaniyang kababatang kaibigan sa Barangay Tangos-South, Navotas City.

Kinilala ang biktima na si Alfredi Libao Jr., 43-anyos habang pinangalanan ng mga pulisya ang suspek na si Victor Valentin, kapwa rin residente sa nasabing barangay.

Ayon kay Navotas City Police Station (NCPS) Chief Col. Mario Cortes, naglalakad umano si Libao sa isang eskinita kasama ang kaniyang anak na lalaki nang magkasalubong sila ni Valentin.

Nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa at nagpang-abot umano ang mga ito na siyang humantong sa pananaksak sa biktima.

Paliwanag ng suspek na palagi raw siyang binu-bully ng biktima at dati na rin siyang tinutukan ng baril kung kaya’t napuno na siya at tuluyan niya ng sinaksak si Libao.

Samantala, kaagad namang sinaklolohan at isinugod sa isang pagamutan ang biktima ngunit idineklara na siyang dead on arrival ng doktor dahil sa lala ng natamong mga saksak sa leeg at katawan nito.

Sa ngayon, nasa kustudiya naman ng pulisya si Victor Valentine at haharap siya sa kasong murder sa ilalim ng Article 248 ng Revised Penal Code.