CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang lalaki matapos na mabangga ng isang sasakyan sa pambansang lansangan na bahagi ng Tuao North, Bagabag, Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PLt. Mervin Beadoy, Deputy Chief of Police ng Bagabag Police Station na ang biktima ay si Leonardo Dulay, 59-anyos at residente ng naturang lugar.
Ang tsuper ng Toyota High Ace Van na may plakang BAA-4081 na nakabangga sa biktima ay si Eric Carlo Duarte, 43-anyos, nurse at residente ng Osmeña, City of Ilagan.
Binabagtas ng sasakyan na minamaneho ni Duarte ang nabanggit na lansangan patungo sa bayan ng Solano habang ang biktima ay naglalakad sa nasabing kalsada.
Hindi napansin ng tsuper ang biktima sanhi para mabangga at humampas pa sa sasakyan.
Ayon sa nakasaksi, naglalakad ang biktima sa outer lane ng kalsada ngunit dahil may nakaparadang sasakyan ay naglakad patungo sa inner lane hanggang nabangga ng sasakyan at nakaladkad ng labing limang metro.
Isinugod ng mga tumugong kasapi ng BFP ang biktima sa Region 2 Trauma and Medical Center ngunit idineklarang dead on arrival ng kanyang attending physician.
Lumabas din sa kanilang pagsisiyasat na nakainom ng nakalalasing na inumin ang biktima nang mangyari ang aksidente.
Nakatakda namang magkaroon ng amicable settlement ang magkabilang panig.