-- Advertisements --

Nakatanggap umano ng cash aid na nagkakahalaga ng P147,000 ang iisang indibidwal na nakalaan sana para sa 35 benepisyaryo sa bayan ng Magalang sa Pampanga.

Ito ay isa lamang sa deficiencies na nadiskubre ng Commission on Audit sa implementasyon ng Pampanga sa one time cash for work program ng DOLE na TUPAD o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Displaced/Disadvantaged Workers kung saan nasa P91.18 million ang inilaan para sa probinsiya mula sa naturang programa.

Batay sa annual audit report ng COA, 15 lamang ang kumpirmadong nakatanggap ng kanilang cash aid habang nasa 10 naman ang walang natanggap na anumang finacial assistance.

Hindi pa malinaw sa ngayon kung natanggap na ng 10 benepisaryo ang kanilang cash aid o hindi pa.

Kaugnay nito, inirekomenda ng state auditors na imandato ni Pampanga Governor Dennis Pineda sa Provincial Treasurer’s Office na tiyaking tanging ang mga otorisado lamang na benepisaryo ng DOLE ang papayagang mag-claim ng financial assistance.