CAUAYAN CITY- Nagkakaroon ngayon ng problema ang isang ginang sa Cauayan City matapos na mabiktima ng identity theft.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginang Jannica Cabriana, 25 anyos na dalawang taon na ang nakakalipas ng mawala niya ang kaniyang UMID ID habang nagtratrabaho sa kalakhang Maynila.
Mula noon ay sunod sunod ang mga natatanggap niyang reklamo may kaugnayan dahil sa panloloko ng nakakuha ng kanyang ID
Ayon sa ginang halos sabay sabay na dumulog sa himpilan ng pulisya at sa tanggapan ng barangay ang mga indibiduwal na umano’y kanyang niloko matapos silang magbayad online kapalit ang mga itinitindang produkto tulad ng face shield, alcohol at cellphone.
Napag-alaman niya na ginagamit na pala sa panloloko ang kanyang nawawalang UMID ID at batay sa kanyang imposmasyon, umaabot na sa 50 katao ang naloko nang gumagamit sa kaniyang pangalan at ID na mula pa umano sa ibat ibang bahagi ng bansa.
Modus ng nakakuha sa kanyang ID na magbenta ng iba’t ibang produkto tulad ng face shield, alcohol at cellphone at hihingi ng downpayment na babayaran o ipapadala sa isang unverified gcash account.
Sa kabuuan ay mahigit P1 milyon na umano ang halagang naipadala sa taong gumagamit ng kaniyang ID, dahil umaabot sa mahigit dalawampung libong piso ang transaksiyon nito sa loob ng isang araw.
Nanawagan siya sa lahat na huwag magpapadala ng pera sa mga taong gumagamit sa kanyang pangalan.
Dahil umano sa pangyayari ay hiniwalayan siya ng kanyang asawa at kinuha pa nito ang kanyang anak habang dalawang beses din siyang natanggal sa trabaho.
Naidulog naman niya ang kaniyang reklamo sa NBI Ilagan, Tumauini Police Station, Sta Ana Police Station sa Cagayan at sa Maynila subalit hanggang ngayon ay wala pang tumutugon.
Nakiusap siya sa gumagamit ng kanyang pangalan at ID na itigil na ang ginagawang panloloko dahil nasisira na ang kanyang pangalan at maging ang kanyang pamilya.