BOMBO DAGUPAN- Nakatanggap ng bomb threat ang isang studyante ng isang paaralan dito sa lungsod ng Dagupan kahapon.
Ayon kay PLtCol. Brendon Palisoc, Officer in Charge ng Dagupan Police Station, base sa kanilang isinagawang imbistigasyon, dakong alas-12 ng tanghali ay nakatanggap ang nasabing studyante ng isang mensahe na sinasabing may inilagay umanong bomba sa Bonuan Boquig National High School.
Aniya, lumalabas umano na miyembro ang mga ito ng isang sindikato at nais umanong kitilin ang buhay ng isang anak ng mataas na opisyal na pumapasok mismo sa naturang paaralan.
Agad namang nagsagawa ng aksyon ang kanilang hanay ng kapulisan, katuwang ang City Disaster Risk Reduction Management, Bureau of Fire Protection, mga miyembro ng Special Weapons and Tactics, at Explosive Ordnance Disposal para inspeksyunin ang paligid ng paaralan.
Sa isinagawang inspeksyon ay walang nakitang bomba ngunit nagpapatuloy pa rin ang kanilang isinasagawang imbistigasyon nang sa gayon ay malaman kung sino ang nasa likod ng nagpadala ng naturang mensahe.
Paalala naman nito sa publiko na huwag gawing biro ang bomb threat sa anumang facility, dahil nagdudulot ito ng trauma sa mga empleyado at mga narorong tao sa lugar.