-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Natupok ng apoy ang isang bahay sa Mabuhay, Echague Isabela matapos sumiklab ang sunog dakong alas tres ng hapon kahapon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kagawad Lerwin Cadauan Ramos ng Mabuhay, Echague, Isabela, sinabi niya na ang may-ari ng nasunog na bahay ay si Arnel Beninsig.

Aniya, tulog ang may-ari ng bahay nang maganap ang sunog at nakita lamang ito ng kanilang mga kapitbahay.

Dahil sa mainit na panahon ay mabilis na kumalat ang apoy at bagamat walang nasaktan ay wala ring naisalbang kagamitan ang pamilya.

Pansamantalang makikitulog ang pamilya ni Beninsig sa bahay ng kanyang ama na muntik na ring madamay sa sunog.

Aniya, bagamat malayo sila sa Centro ay walang naging problema ang Bureau Of Fire Protection (BFP) Echague sa pagresponde.

Idineklara namang fireout ang sunog 4:30 ng hapon.

Una na ring nagsagawa ng pagpupulong ang kanilang barangay at nakapag-abot na ng tulong tulad ng pagkain para sa nasunugang pamilya.

Nanawagan siya sa mga nagnanais na tumulong o magpaabot ng tulong pinansyal o gamit para sa nasunugang pamilya na makipag-ugnayan lamang sa kanilang barangay.