-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na na-detect ang ikaapat na bagong kaso ng monkeypox sa Pilipinas.

Ayon sa DOH, isang 25-anyos na Filipino national ang bagong kaso ng nasabing sakit na walang documented travel history mula sa anumang bansa na may documented confirmed case ng monkeypox.

Nasuri at nakumpirmang positibo sa monkeypox ang pasyente sa pamamagitan ng real time Polymerase Chain Reaction (PCR) ng DOH Research Institute for Tropical Medicine (RITM).

Kasalukuyang naka-admit ngayon ang pasyente sa isang isolation facility.

Nagpapatuloy naman ang case investigation at contact tracing sa mga nakasalamuha ng pasyente kung saan nasa 14 na ang natukoy na close contacts.

Nilinaw na naman ng DOH na unrelated o hindi magkakaugnay ang lahat ng apat na kumpirmadong kaso ng monkeypox sa bansa.

Una ng nakarekober at na-discharge mula sa isolation noong August 6 ang unang kaso ng monkeypox sa bansa habang kapwa naman nasa home isolation ang ikalawa at ikaapat na pasyente na dinapuan ng sakit at nasa stable na kalagayan.

“Ating tandaan na magkaiba ang Monkeypox at COVID-19. Ang Monkeypox ay kumakalat kapag nadikit sa balat ng may sakit na ito na siyang nakikitaang may mga butlig, o kaya sa kagamitan na nahawakan ng may sakit. Kung nakararanas ng lagnat, pamamaga ng kulani, at mga butlig sa balat, agad na kumonsulta sa pagamutan (Let us remember that Monkeypox is different from COVID-19. Monkeypox spreads through skin-to-skin contact with cases who have rashes or skin lesions, or with objects that have come into contact with the case. If you have fever, swollen lymph nodes, and rashes or skin lesions, immediately consult your healthcare provider),” saad pa ni DOH OIC Maria Rosario Singh-Vergeire.