Kinumpirma ng Police Regional Office-7 kaninang umaga, Marso 5, na napatay sa isinagawang hot pursuit operation dakong alas 9 kagabi sa Bayawan City Negros Oriental ang isa sa mga suspek sa pamamaril patay kay Gov. Roel Degamo.
Inihayag ni PLTCOL GERARD ACE PELARE, Spokesperson ng Police Regional Office-7, patuloy pa nilang inaalam ang pagkakakilanlan ng suspek.
Sinabi ni Pelare na sa isinagawang hot pursuit operation ng pinagsanib-pwersa ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines, natagpuan nila ang isa sa mga suspek na nagtatago sa plantasyon.
Nang napansin pa nito na paparating sa kanyang kinaroroonan ang mga operatiba, pinaputukan niya ang mga ito kaya gumanti na ang composite team na nagresulta sa pagkamatay ng suspek.
Nauna nang naaresto kahapon ang tatlong iba pang mga suspek na mga dating mga army na “dishonorably discharged” sina Joric Labrador, 50 anyos; Joven Javier, 42 anyos, dating army ranger, at Benjie Rodriguez, 45 anyos.
Matapos pa ang pagbubunyag ng mga naarestong suspek sa custodial debriefing, narekober ang mga baril at iba pang kagamitan kabilang ang 4 assault rifles (5.56 mm), 1 B40 (RPG w 5 ammo, 4 Bandolier fully loaded with plates ,1 rifle case, 2 combat uniforms, 1 grey sweatshirt, 3 pairs combat shoes, 1 cal 5.56 with 6 magazine, 2 magazine cal 45 with 9 ammos and 177 cal 5.56 mm cartridges, 1 (RPG) , 2 bullet proof vests.
Samantala, batay sa pinakahuling ulat ng pulisya, 13 indibidwal ang nagtamo ng major injury, 4 ang nagtamo ng minor injuries at 9 ang nasawi kabilang na si Gov. Degamo.
Sa ngayon sinabi ng opisyal na nakapokus sila sa paghuli sa mga natitira pang suspek at tiwalang sa pagkakaaresto ng mga ito ay makakapagsampa sila ng kaukulang kaso kapag makumpleto na ang mga ebidensya .