forward truck
T’boli, South Cotabato accident

KORONADAL CITY – Umakyat na sa 22 ang naitalang nasawi sa nangyaring trahedya sa Brgy. Lamsalome, T’boli, South Cotabato.

Kinumpirma sa Bombo Radyo Koronadal ni PDRRMO operations and warning chief Rolly Doane Aquino na binawian na ng buhay si Analyn Pendatun na residente ng Brgy. Libertad, Surallah dahil sa natamong sugat sa kaniyang tiyan.

Ayon kay Aquino, kanilang inasikaso si Pendatun habang buhay pa ito at ipinaalam sa kaniya na pumirma na ang pamilya ng biktima ng “do not rescuscitate order.”

Ngunit naging conscious naman si Analyn matapos ang ilang oras subalit kaagad ding binawian ng buhay bandang alas-5:00 ng hapon.

Dagdag ni Aquino, lumaban si Pendatun para mabuhay ngunit malungkot lamang na binawian ng buhay kung saan buong pamilya rin nito ang nasawi sa naturang aksidente.

Kaugnay nito, tiniyak ng opisyal ang patuloy na pagbibigay ng tulong mula sa mga LGUs upang masagot ang pangangailangan ng mga pamilya ng biktima.

Huling naitala sa mga nasawi sa naturang aksidente ay ang 12-anyos si Randave Ayupan sa bahagi ng Davao City.