NAGA CITY – Nawasak ang halos kalahati ng isang closed van habang nayupi naman ang unahang bahagi ng isang bus matapos na makabangga ang closed van sa bus sa Andaya Highway, GRS, Ragay, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Neopito Tipay Jr, Municipal Disaster Risk Reduction Management Office ng Ragay, Camarines Sur, sinabi na nito na diretso ang kalsada at kakaunti lamang ang dumadaang sasakyan sa lugar ng mangyari ang insidente kung kaya pinaniniwalaan na nakatulog ang driver ng closed van.
Maaalala, una nang lumabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad na kinain ng closed van ang linya kasalubong na bus kung saan dahil sa lakas ng impact nawasak ang halos kalahati nito na naging dahilan ng pagkamatay ng driver at pagkasugat naman ng helper nito. Habang nagtamo naman ng minor injury ang driver ng bus at maswerte naman na walang nadamay sa mga pasahero nito.
Samantala, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente, ngunit hanggang ngayon aniya ay hindi pa nila nakakausap ng maayos ang helper ng nasabing closed van dahil sa tinamo nitong mga injuries.
Dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng aksidente sa kalsada mas pahihigpitin umano ng kanilang opisina ang pagsasagawa ng mga hakbang upang maiwasan ang mga ito, katulad na lamang ng paglalagay ng mga signages sa mga gilid ng kalsada.
Maliban pa dito, palalagyan na rin aniya nila ng CCTV cameras sa lugar upang ma monitor kung ano ang nangyayari sa lugar maging mga warning signs para sa mga drivers na magbawas ng speed. Ito’y dahil karaniwan kasi na mas pinapabilis ng mga drivers ang pagmamaneho kung tuwid at malawak ang mga kalsada na kadalasang nagiging dahilan ng aksidente.