Nanawagan si Sen. Christopher ‘Bong’ Go sa pamahalaan na paalisin na ang mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Pilipinas.
Ginawa ng Senador ang panawagan, sa gitna ng pagkakasangkot ng mga POGO sa iba’t-ibang mga krimen sa buong bansa, kung saan mismong mga pinoy ay nabibiktima rin ng mga ito.
Ayon sa Senador, kung magpapatuloy ang pagkakasangkot ng mga ito sa mga krimen, kasama na ang pagdulot nila ng kaguluhan sa bansa, dapat lamang aniyang tuluyan nang i-ban ang mga POGO.
Hindi rin aniya sapat na dahilan ang kakarampot na kita ng pamahalaan mula sa operasyon ng mga POGO sa bansa, lalo na kung ang kapalit nito ay kriminalidad.
Ang panawagan ng Senador ay sa likod na rin ng dalawang rekomendasyon na kasalukuyang nakabinbin sa Senado, kaugnay pa rin sa operasyon ng POGO.
Una ay ang nakabinbin sa Senate Ways and Means Committee na nagrerekomendang tuluyan nang palayasin ang mga POGO.
Ang pangalawa ay ang nakabinbin sa Senate Committee on Public Order kung saan inirerekomendang istriktong regulasyon lamang ang ipapatupad sa mga ito.