-- Advertisements --

Maliban sa kontrobersyal na Captain’s Peak Garden and Resort, may iniimbestigahan din ngayon ang Provincial Board Committee on Environment and Natural Resources Protection na isa pang resort na itinayo rin umano sa protected area malapit sa Chocolate Hills sa Bohol.

Ito ay ang resort na tinatawag na Bud Agta sa Barangay Tamboan, Carmel Town sa naturang lalawigan.

Ayon kay Provincial Board Committee on Environment and Natural Resources Protection, chair Jamie Villamor, ito ay matapos na mapag-alaman ng kanilang tanggapan na hindi rin sumusunod sa itinakdang guidelines sa ilalim ng Protected Area Management Board ang naturang resort.

Aniya, una nang humingi ang kanilang tanggapan ng furnish copy ng resulta ng technical conference nito ngunit wala pa itong naisusumite sa kanila.

Dahil dito ay nagpapaabot na rin ang kanilang komite sa DENR ng kahilingan upang maimbistigahan ang Bud Agta resort.

Kung maaalala, una nang nanawagan ang manager ng kontrobersyal na Captain’s Peak Resort na si Julieta Sablas sa mga kinauukulan na bukod sa kanila ay imbestigahan din ang iba pang mga resort na nakatayo sa paanan at tuktok ng mga burol sa Chocolate Hills.