-- Advertisements --

Ibinasura ng Sandiganbayan ang isa pang civil case na inihain ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) laban kina dating Pangulong Ferdinand Marcos at asawa nitong si Imelda.

Sa desisyon ng Second Division, kulang ang mga naiprisentang ebidensya para patunayan na si Bienvenido Tantoco ay nagsilbong dummy ng dating Pangulo sa paglikom ng P1.052 billion halaga ng ill-gotten wealth.

Batay sa kasong inihain ng prosekusyon, ang mga Tantocos ay nakakuha ng prangkisa para sa operasyon ng duty-free shops upang ikubli umano ang totoong pinagmulan ng kanilang yaman.

Pero ayon sa anti-graft court, bigong makapagpatunay na mayroong sabwatan sa pagitan ng mga pamilya Tantoco at Marcos batay sa mga naiprisentang dokumento at testigo ng mga state prosecutors.

Magugunita na isa pang kaso laban sa mga Marcos at kanilang mga umano’y kasabwat ang ibinasura na rin ng Sandiganbayan noong Agosto.

May kaugnayan naman ito sa P102 billion forfeiture case laban sa mga Marcos at kanilang mga sinasabing kasabwat.