Hinimok ng mga otoridad ang mga partido sa kaso ng pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera na iharap na lang sa piskalya at korte ang mga ebidensya, kaysa isapubliko ito sa social media.
Kabilang kasi sa mga kumakalat sa internet ang autopsy report, CCTV footages at ilang screengrab ng conversation.
Ang masaklap, inuulan ito ng sari-saring komentaryo ng social media users, kung saan may ilang personalidad pang nadadamay na wala naman sa crime scene, habang ang mismong biktima ay nababatikos pa ng iba.
Nitong nakalipas na araw, pinayagan na ng piskalya na makalaya habang iniimbestigahan pa ang ilang suspek na sina John Pascual de la Serna, Rommel Galido at John Paul Halili.
Habang patuloy namang hinahanap ang iba pa, para maisalang din sa kaparehong prosesong ginawa sa naunang tatlo.
Batay sa tatlong pahina ng resolusyon na pirmado ni Makati City Prosecutor Dindo Venturanza, maaari pa rin umanong ibalik sa piitan ang mga personalidad na na-release kung may iba pang kasong ipupukol sa kanila.
Samantala, inatasan naman ang investigating prosecutor na si Assistant City Prosecutor Joan Bolina-Santillan na pangunahan ang preliminary investigation para sa Enero 13, 2021 sa ganap na 10 a.m.










