-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Itinalaga ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) ang 25 personnel mula sa Maconacon Police Station, Divilacan Police Station, San Mariano Police station at 1st Provincial Mobile Force Company para tumulong sa ground search and rescue upang mahanap ang nawawalang eroplano.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Director PCol. Julio Go, sinabi niya na may ilang unit na ng IPPO ang naitalaga sa tinatawag na alpha site o sa lugar na sinasabing posibleng lokasyon ng Cessna 206 sa bahagi ng Dicaruyan, Divilacan, Isabela.

Sa ngayon ay pahirapan para sa kanilang mga tauhan na mapuntahan ang eksaktong lugar kung saan namataan ang isang puting bagay sa bulubunduking bahagi ng Dicaruyan, Divilacan, Isabela dahil sa masamang lagay ng panahon.

Ginagalugad ng mga kasapi ng San Mariano Police Station ang bahagi ng Dibuluan, San Mariano, Isabela habang nasa Dicaruyan naman ang 1st Provincial Mobile Force Company.

Maliban sa mga deployed personnel ay nakaantabay din ang kanilang Water Search and Rescue (WASAR) na nakabase sa Tumauini, Isabela kung kailangan pa ng karagdagang puwersa.

Sa kasalukuyan ay sapat pa ang air assets na ipinapadala ng Tactical Operations Group (TOG) 2 Philippine Air Force sa ginagawang Aerial Search and Rescue operation kaya hindi pa kailangan ng augmentation mula sa PNP.