-- Advertisements --

Nanatiling nakabukas ang ilan sa mga gates ng Ipo Dam, Ambuklao Dam at Binga Dam ngayong patuloy pa rin ang buhos ng ulan sa ilang bahagi ng Luzon dahil sa Habagat.

Kaninang alas-6:00 ng umaga, ang Ipo Dam sa Bulacan ay mayroong nakabukas na isang gate sa taas na 0.15 meters, ayon sa Pagasa.

Ang reservoir water level (RWL) kasi ng naturang dam hanggang kaninang umaga ay nasa 100.92 meters, malapit nang maabot ang 101-meter normal high water level.

Samantala, limang gates naman ng Ambuklao Dam sa Benguet ang binuksan sa taas na tatlong metro kaninang alas-6:00 din ng umaga.

Ang reservoir water level sa Ambuklao Dam ay nasa 751.98 kaninang alas-6:00 ng umaga, malapit nang maabot ang 752-meter normal high water level nito.

Sa kabilang dako, anim na mga gates ng Binga Dam naman sa Buenguet din ang binuksan sa taas na tatlong metro kanina ring alas-6:00 ng umaga.

Ang water level naman sa Binga Dam sa mga oras na iyon ay 574.70 meters, kakaunti na lang ay maabot na ang 575-meter normal high water level.

Sa kanilan forecast kaninang madaling araw, sinabi ng Pagasa na makakaranas ng pag-ulan dahil sa habagat ang Ilocos Region, Batanes, Babuyan Islands, Apayao, Benguet, Zambales, Bataan at Occidental Mindoro.