Nag-organisa ng isang coalition ng civil society groups ang ilang personalidad mula sa iba’t-ibang bansa, para ipursige ang imbestigasyon sa isyu ng umano’y human rights violations sa Pilipinas.
Tinawag nila itong Independent International Commission of Investigation into Human Rights Violations in the Philippines (Investigate PH).
Ang proyekto ay sinimulan ng International Coalition for Human Rights in the Philippines (ICHRP) at kanilang mga miyembro, kasama na ang high-ranking members ng US-based National Lawyer’s Guild (NGL) at International Association of Democratic Lawyers (IADL), dagdag pa ang isang dating Australian senator at general secretaries ng mga simbahan sa US, Canada at Germany.
Habang ang local partners naman nila sa Pilipinas ay ang National Union of People’s Lawyers (NUPL), Karapatan at Rise Up for Life and Human Rights.
Layunin umano ng grupo na makalikom ng sapat na ebidensya na isusumite sa International Criminal Court (ICC), para sa kinakaharap na reklamo laban kay Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang mga opisyal ng pamahalaan.
Pero una nang sinabi ni Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque na walang balak makipag-cooperate ang Duterte administration sa ICC, dahil hindi na konektado ang bansa sa naturang international body.
Hindi aniya maaaring panghimasukan ng anumang organisasyon ang usaping panloob ng ating bansa, lalo na ang tungkol sa pagpapatupad ng mga umiiral na batas.