Gagamitin ang internet voting bilang pangunahing paraan ng pagboto ng mga Pilipinong botante na nasa ibang bansa para sa 2025 midterm elections.
Inilatag ng Commission on Elections ang naturang plano kasabay ng idinaos na ikalawang bahagi ng bidding para sa P465.8 million Online voting and counting system, ang ikalawang pinakamalaking kontrata para sa halalan sa susunod na taon.
Paliwanag ni Comelec spokesperson Atty. John rex Laudiangco na maaari pa ring magsagawa ng in-person voting o mail-in voting sa mga bansa na hindi pinapayagan ang pagsasagawa ng internet voting tulad na lamang sa China, Russia at Israel.
Mula kasi sa 92 posts abroad, mayroong internet restrictions sa 17 mga bansa. Kaugnay nito, sinusubukan na ng Comelec na makausap ang mga government officials para malaman kung maaaring maisagawa ang internet voting.
Sinabi naman ni Laudiangco na nagpasya ang poll body na mag-shift sa internet voting para maging convenient sa overseas Filipinos gaya na lamang ng mga seaferers at marino na madalas na naglalayag at hindi sa lahat ng pagkakataon tuwing halalan ay nakakaboto sa mga konsulada o embahada gayundin umaasa ang poll body na mapapataas din ang voter turnout.
Tiniyak naman ng Comelec na madali lamang, user-friendly ang pagboto sa pamamagitan ng internet voting.
Matatandaan, mayroong 1.6 million rehistradong Pilipinong botante noong nakalipas na 2022 presidential elections.