-- Advertisements --

Naghain ng panukala si Senator Lito Lapid sa Senado na naglalayong isama ang pagpapatayo ng internet infrastructures sa lahat ng government road infrastructure projects upang magamit ang rights-of-way at bawasan o hindi na maulit pa ang mga hindi naman kinakailangang excavations na paglalagyan ng mga kable, wires at iba pang pasilidad.

Ang Senate Bill 1990 o “Internet Infrastructure Integration Act” ang magtatatag ng programa sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na dinisenyo para bawasan ang gastusin at pabilisin ang deployment ng internet connectivity sa pamamagitan ng pagpapababa sa bilang at scale ng mga inuulit na excavations.

Ayon kay Lapid, batid nito ang kahalagahan ng internet lalo na sa mga panahong ito. Sa halos lahat aniya ng sektor ay mahalagang may internet connectivity ang ating mga kababayan lalo na sa aspeto ng edukasyon, negosyo, komunikasyon, at marami pang uri ng trabaho.

Dapat aniya na manguna ang gobyerno ng Pilipinas sa pagbuo ng polisiya at mga paraan para masiguro na mas magiging madali ang access ng publiko sa internet sa pamamagit ng pagtatayo ng marami pang imprastruktura.

Nakapaloob din sa naturang panukala na kinakailangang alamin ng DPWH ang mga existing at naka-planong road infrastructure projects tulad ng farm-to-market raods, local at national roads, tulay, road widening at road maintenance.

Naniniwala ang senador na ang ganitong uri ng programa ay magiging mahusay at matipid na paraan upang makapagbigay ng internet connectivity partikular na sa mga masusukal na lugar.

Saad pa ni Lacson na sa pamamagitan din ng isinusulong nitong Internet Infrastructure Integration Act ay masisiguro na bukod sa mga kalsada na bubuuom sa pangunguna ng pamahalaan, kasabay nito ang pagtatayo din ng mga daan o highway para sa internet connectivity sa Pilipinas.

Sa pamamagitan din aniya nito ay hindi na mahuhuli ang bansa sa tinatawag na digital age.