-- Advertisements --

Naniniwala ang isang kilalang financial analyst na mas lalawak pa ang oportunidad sa internet based businesses ngayong taon.

Ayon kay Astro del Castillo sa panayam ng Bombo Radyo, nasubukan na noong 2018 at 2019 ang pag-usbong ng mga negosyong ginagamitan ng internet at maganda naman ang naging takbo ng mga ito.

Lumabas din sa ilang review na maganda ang serbisyo ng mga online shop at iba pang negosyong idinadaan sa computer applications at mga kahalintulad nitong pamamaraan.

Mainam na paraan din aniya ang online shopping para sa mga taong laging abala sa maraming bagay, lalo na ang mga madalas na naiipit sa daloy ng trapiko.

Gayunman, nagpaalala si Del Castillo sa obligasyon ng gagamit ng serbisyo na alamin ang buong detalye ng mga pinapasok na offer, para maiwasan ang mga bogus deal at scam.