
Target ngayon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na tapusin sa lalong madaling panahon ang ginagawa nitong paglilinis sa buong hanay Philippine National Police (PNP).
Kaugnay pa rin ito sa naging panawagan ni Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. na magbitiw sa serbisyo ang lahat ng mga heneral at koronel ng Pambansang Pulisya.
Sa isang pahayag ay sinabi ni Abalos na nasa proseso na sila ngayon ng pagbuo sa 5-man committee na sasala sa matataas na opisyal ng PNP upang imbestigahan ang pagkakasangkot ng mga ito sa ilegal na droga na plano naman aniya nilang tapusin pagsapit ng buwan ng Marso o Abril o sa loob ng tatlong buwan.
Una rito ay sinabi rin ng kalihim na pagkatapos sumalang ng pangalan ng mga heneral at koronel sa committee of 5 ay sasailalim pa ang mga ito sa assessment ng National Police Commission (NAPOLCOM) na susuri sa listahan ng mga opisyal na sangkot sa ilegal na droga.
Sa ngayon ay pumapalo na sa 929 ang bilang ng mga 3rd level officials ng PNP ang nagsumite na ng kanilang courtesy resignation bilang pagtugon at pakikiisa sa paglilinis sa buong hanay ng Pambansang Pulisya.
Katumbas ito ng 97.48% ng kabuuang bilang na 953 generals at full-pledged colonels ng Pambansang Pulisya.










