Hinikayat ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga consumer, pati na rin ang mga negosyante sa bansa, na manghiram ng pera sa mga bangko.
Sa isang virtual press briefing, sinabi ni BSP Gov. Benjamin Diokno na kailangan ngayon na mapalakas ang consumer consumption matapos na luwagan na ng pahalaan ang community quarantine protocols.
Ayon kay Diokno, magandang pagkakataon ngayon na umutang sa mga bangko sapagkat binabaan na nila ang interest rate ng 175 basis points.
Sa ngayon, 2.25 percent na lamang ang interest rate, na ayon kay Diokno ay pinakamababang interest rate sa kasaysayan ng Pilipinas.
Kinailangan aniya nila itong gawin para mapalakas ang consumer consumption upang sa gayon ay mabuksan ulit ang ekonomiya ng bansa.
Hanggang sa takot kasi aniya ang publiko na gumastos, mag-invest, at mag-produce ay walang mangyayari sa ekonomiya ng bansa lalo kasunod ng ilang buwang lockdown dahil sa COVID-19 pandemic.