Itinutulak ni Sen. Sherwin Gatchalian ang pagbibigay ng tulong sa mga Pilipinong kabilang sa mga ‘middle class’ habang nasa kasagsagan ng oil crisis.
Sa panayam ng Bombo Radyo sa senador, ikinatwiran nitong hindi lamang dapat ang mga vulnerable sector ang makikinabang sa tulong ng gobiyerno kungdi dapat ding isama ang mga mangagawang nasa middle class na isa sa mga pangunahing apektado sa krisis.
Sa ilalim ng panukala ni Gatchalian, maaari aniyang pansamantalang bayaran ng gobiyerno ang contribution ng mga middle class worker sa kanilang pension: Government Service Insurance System para sa mga public employees, at Social Security System para sa mga pribadong mangagawa.
Malaking bahagi ng middle class o hanggang 70% aniya ay pawang mga mangaggawa kaya’t tiyak na marami ang makikinabang sa naturang panukala, kung sakaling magagawa ito ng national governmemt.
Naniniwala naman ang senador na kakayanin itong gawin ng PH government lalo na’t dati na itong nagawa ng bansa noong panahon ng pandemiya.
Sa naturang panahon aniya ay sinuspinde pansamantala ang premium na binabayaran ng mga mangagawa at maaari itong gawin muli ng gobiyerno, sa tulong ng sapat na pondo.
Sa pagtaya ng Senado, posibleng papalo sa P9 billion ang babalikatin ng gobiyerno kada buwan kung gagawin ang naturang panukala.
Hindi aniya magiging problema ito kung magtagal ng ilang buwan dahil aabot naman sa P238 billion ang maaaring gamitin ng national government bilang tulong sa mga Pilipino sa panahon ng krisis at kalamidad. (Report by Bombo Genesis)
















